Tagalog Para Matindi

Marami ka nang nakalimutan pero ako naghihinanakit pa rin sa memorya ko.
Bakit kailangang pati yung brown mong jacket na suot nung una kitang nakilala eh nakatatak pa rin sa utak ko? Suot ang iyong salaming ubod ng kapal habang inilalagay ang taling may isang pirasong pakpak para sa isang salu-salo.

Hindi kita naging kaibigan, kasi sa unang beses na nakausap kita ang sinabi mo lang sa akin eh mga salitang muntik ko nang isampal sa pagmumukha mo. Tila napakapresko mong tao, akala mo naman eh napakagwapo. Yung mga araw ay nagdaan na para bang asar na asar ka sa pagmumuka ko, maingay ako, magaslaw ako at may kakaibang timbre ng boses na hindi naaayon sa napakasensitibo mong tenga. Akalain mo ang perpekto. Hindi pa rin tayo naging malapit sa isa't isa, sa bawat araw palagay ko eh lalong naiipon ang yamot mo sa natatangi kong pagkatao.

Hanggang sa isang maliit na pagtitipon na puro kalalakihan ako ay napasama. Nag-inuman at nalasing, natulog sa kwarto ng iyong kabarkada. Natuwa ako dahil kayo ay naging huwarang mga kalalakihan. Unti-unti ang kabaitan ay sinuklian ng mga ngiti, pag-aasikaso na walang humpay at kasiyahan. Noong una pa lang ikaw na ay tinawag na Mahal, hindi ko alam kung bakit pero sa tuwing nakikita kong ikaw ay asar na asar sa pagsambit ng salitang yan eh tila ba may kakaibang pakiramdam akong nadarama. Pakiramdam ko sa asarang ito ay nananalo ako at napipikon ka.

Hindi inalintana ang asaran ng mga tao sa paligid, wala namang ibang motibo sa kabila ng mga bagay na ginagawa kung hindi ang mapasaya at masakyan ang giliw ng madla. Gusto kong sabihing hindi ko alam kung saan nagsimula, kung panong ang kasungitan mo ay unti unting nawala. Napalitan ng pagkagiliw at araw araw na pagtatanong kung kumain ka na o kung may gusto ba akong ipabili sa baba.

Nung ikalawang beses na ako ay sumama sa pagtitipon ng hindi na naman handa sa paglagok ng alak, may isang lalaking pumukaw ng aking paningin. Mula sa kabilang mesa nagkatitigan at para bang unti unti ay nagkakayayaan, tumayo ako papunta sana sa palikuran pero ako ay kanyang hinarang at magsisimula na sana ng pag-ulayaw pero pinuntahan mo ko para sabihang kailangan ko nang bumalik at magpaalam. Nanghinayang sa kinahinatnan at inis na inis sa iyong pangingialam, kaya ininom na lang ang alak na tangan.

Nang gabing iyon, binantayan mo ako ng maigi at inalalayan. Nagpresintang ikaw na ang maghahatid pauwi sa bahay naming hindi mo naman alam kung saan. Pinangako sa mga kasamahang ikaw ang bahala habang ako ay iyong inakbayan. Hindi naman ako lasing, siguro medyo hilo pero sa'yong tangan ako ay pinanghinaan. Dinala mo ako ulit sa silid kung saan ako unang nahimasmasan nung gabing ubod ang kalasingan. Mag-isa ulit at walang nakialam, ako ay iyong pinangalagaan. Hanggang sa umupo ka sa tabi ko at marahang nagsalita, kinukubli man ng dilim dama ko ang kaba habang iyong sinasambit na tinatablan ka na.

Comments