Bumabagyo sa Ka-Maynilaan habang sinasalanta din ang aking isipan. Sinasalanta ng mga alaalang parang kahapon lang pinagdaanan. Matapos ang matagal na panahon umiyak na naman ako sa loob ng pampublikong sasakyan, katabi ang mga taong di alam ang pagkakakilanlan.
Sumagi ka na naman sa isip ko, siguro kasi maulan din noong nagsimulang sumibol yung pagmamahalan natin. Ang saya ko dati pag umuulan, kasi alam kong isang araw hindi tayo papasok sa opisina maglalagi lang sa kama, sa ilalim ng mga kumot, ramdam ang alab ng mga damdaming hindi na kailangang magtago.
Sumagi na naman sa isipan ko kung pano mo ikunot ang iyong noo tuwing susubukan kong tumakas o tumayo. Ilalabas mo ang giniginaw mong mga bisig para lang abutin ako at ikulong muli sa isang mahigpit na yakap na aking unti-unting ikakatunaw.
Sumagi na naman sa isipan ko yung araw na naligo tayo sa ulan sa gitna ng daan. Saway ka ng saway para ikaw ay aking lapitan kasi nag-iisa lang akong nagtatampisaw sa daan habang ang iyong mga kapitbahay eh tawang tawa sa itsura nating dalawa. Nakita ko yung pagaalala mo kasi sakitin nga pala ko, kaya kinagabihan sipon at lagnat din ang inabot ko.
Sumagi na naman sa isipan ko kung pano natin iwanan ang mundo, yung dilim ng langit, lamig ng panahon, baha sa kanto, kahit walang lamang pagkain yung itim na ref na bagong bili natin noon. Kung kaya't kahit na ikakasira ng payong eh sugod pa rin tayo sa pinakamalapit na kainan para lang magkalaman ang mga tiyan.
Sumagi na naman sa isipan ko kung panong isang buong maghapon tayong magkasama na wala man lang kahit telebisyon na gumagambala. Walang interes sa iba't ibang series at pelikula kasi parang ang bilis lang lumipas ng mga sandali kapag tayo ay magkasama. O kung meron man eh wala naman tayong natatapos. Nakakatulog ka, nakakatulog ako o minsan ibang bagay na ang inaatupag kaya di rin naiintindihan ang pinapanuod. Kasi noon, tayong dalawa lang sapat na.
Sumagi na naman sa isipan ko yung pakiramdam ng yapos mo habang nakatalikod ako at tumatama yung mainit mong paghinga sa aking tenga. Sabay ang pamumutawi ng walang hanggang pagmamahal sa iyong mga labi habang hinahaplos ang aking pisngi.
Sumagi na naman sa isipan ko yung mga araw na tayo ay magkasama, ilang taon ding masaya. Kung paanong kahit na masungit ako at magkagalit tayo eh hindi ako nilulubayan ng payong mo kahit na ikaw ay mabasa para lang hindi ako magkasakit. Yung mabilis ka pa sa alas kwatro bumili ng gamot ko umuugong pa lang yung sinat at sipon ko. Kung panong ipinapasuot mo sa akin ang hoodie ko kapag nakalimutan kong magdala ng payong tapos tatakpan mo pa ng kamay mo yung mukha ko parang masasangga naman nito ang ulang pumapatak sa daan.
Sumagi na naman sa isipan ko kung paano mo ko alalayan kasi likas akong madapain, yung palaging may kamay na aalalay. Kung paano mo isinisintas yung sapatos ko dahil hirap na akong yumuko at hindi ko pa rin natutunan pano yung dalawang beses na mahigpit na sintas na ginagawa mo kahit hindi pa makahinga yung paa ko minsan.
Sumagi na naman sa isipan ko yung ilang beses mong pagbabantay sa ospital tuwing magkakasakit ako. Yung pangungunsinti mo sa mga layaw ko katulad ng pagbili ng tsitsirya sa 7-11 sa hating gabi tapos pagsasaluhan natin, yung panunuod ng sine tuwing last full show ng biglaan kahit wala naman talagang masyadong interesanteng panuorin magkaroon lang tayo ng oras na magkasama.
Sumagi na naman sa isipan ko kung paano mo tinitikman lahat ng luto ko, kahit minsan may nakikita akong pag-aalinlangan lalo at matamis na naman ang inihanda. Naalala ko rin yung tuwing magluluto ako para sa'yo sa gitna ng gabi kasi nagutom ka at naubos na ang ulam natin nung hapunan. Kung paanong ikaw ang palaging nagsasaing kasi ewan ko ba kung bakit takot na takot ako kahit sa rice cooker pa yan.
Sumagi na naman sa isipan ko kung paano mo ko ipaglaba kasi hindi ako marunong, lalo nung nagsimula tayong mamuhay na tayong dalawa lang doon sa kwarto na may puno sa harapan. Kung paanong umuuwi tayo galing sa opisina ng kuntento na magluluto pa lang kahit pagod na para mas mahaba pa yung pagsasaluhang oras na magkasama.
Sumagi na naman sa isipan ko kung paanong minsan nauubusan ako ng damit at kinakailangan nating bumili para lang hindi mo ako pauwiin at magkasama pa tayo ng isang araw. Dalawa. Tatlo. Isang linggo.
Sumagi na naman sa isipan ko ang walang katapusang tawanan at mga kakaibang trip sa loob ng bus tuwing pauwi tayo. Limang taon. Walang palya. Walang ibang inuuwian magtalo man sa daan.
Sumagi na naman sa isip ko kung paano ko naging masaya sa piling mo. Yung mga bagay na minahal, minamahal at mamahalin ko tungkol sa'yo.
Sumagi na naman sa isip ko kung paanong sa loob ng ilang buwan lahat yan ay unti unting naglaho.
Sumagi ka na naman sa isipan ko, ako ba kahit minsan naisip mo?
Comments
Post a Comment