Ipinaglihi sa malambot na kahoy

Hindi ako dapat tumingin sa iyong mga mata.
Hindi dapat nagpadala sa matatamis na salita.
Habang unti-unting naaaliw sa iyong mga pakana
dahan-dahan ding nahuhulog ang pusong kumakawala.

Tila ipinaglihi sa malambot na kahoy ang puso'y naging marupok
Pilit mang itago ang nararamdaman hindi pa rin ito mapagkasya sa sulok
Nakatayo akong hindi sigurado ang kinalalagyan
Hindi rin alam kung ano ang kahihinatnan

Nakakagago, nakakabato, 
nakakagalit ang pagpupumilit
Piglas ng piglas
palagi namang nauutas

Paano ba pupunan ang mga patlang
Itatanong pa ba kung ano ang humahadlang
Hindi naman dapat
pero nalunod na sa'yo at ayaw nang umangat

Sa mga ngiti mo ba nahumaling?
Bakit ba ang tingin sa'yo ay napaling?
Sa dulo ba nito makakamtan ang inaasam?
O dapat na lang bang mamaalam?

Hiling sana ay masuklian ang pagnanasa
Mapawi ng halik mo ang pagkabalisa
Marahang ibulong ang mga katagang
Halika dito, akin ka na lang.

At tila ipinaglihi sa malambot na kahoy,
ang pagiging marupok ay magtutuloy tuloy
Pero hindi na mangangamba
Kasi sasaluhin mo na.

Comments

Post a Comment